Lunes, Enero 2, 2012

Unang Araw ng Taong 2012, Bagong Taon, Bagong Pag-asa

          Bagong taon, bagong buhay. Lahat ng tao ay nagnanais na maging masaya ang kanilang buong taon. Maging maswerte sa buhay at magtagumpay sa lahat ng bagay. Iyan ay ilan lamang sa mga pangarap ng mga tao. Naniniwala ang lahat na kapag sinimulan mong masaya ang iyong unang araw ng bagong taon, magiging masaya din ang buong taon mo. Kaya naman, pinilit naming buong pamilya na maging masaya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
             Enero 1, 2012, unang araw ng bagong taon, nagsagawa kami ng isang simpleng family reunion. May iba't ibang palaro at sayawan. May exchange gifts din. Napakasaya ng araw na yon para sa aming lahat. Isang hindi makakalimutang pangyayari sa buhay. Nagkatipon-tipon ang buong pamilya at nag uwi ng madaming premyo. Isang simpleng okasyon ngunit isang memorable na araw para sa lahat. Nakakatuwang isipin na sa kabila ng mga problema at pagsubok sa buhay, nagagawa pa din naming ngumiti at maging masaya. Kantahan, kwentuhan at sayawan, iyan ang mga ginawa namin nung araw na yun. Espesyal na araw yon para sa akin dahil iyon na din ang selebrasyon para sa aking kaarawan. Ang dami kong natanggap na regalo mula sa aking mga tito, tita at mga pinsan. Ang saya-saya, parang ayaw ko matapos ang araw na yon. Grabe! Nakakapagod man pero ayos lang basta masaya kaming lahat. Sinimulan naming masaya ang bagong taon at umaasa na magiging masaya din sa mga susunod pang mga araw.
            Ngayong bagong taon, simulan natin ang pagbabago. Kahit anu man ang problemang dumating sa buhay natin, manatili tayong masaya at nakangiti. Pakatandaan na nandyan ang Panginoon na handang sumuporta at gumabay sa atin. Hindi niya tayo pababayaan.

Repleksyon sa Kantang Magkabilaan ni Joey Ayala

        Sa mundong ito, lahat ng bagay ay hindi magkakatulad. Ang mundo ay nilikha ng Diyos na may pagkakaiba-iba. Ang mga tao ay hindi magkakatulad ng antas sa buhay, pag-iisip, talino, kabaitan at kahusayan. Oo, sinasabing nilikha ng Diyos ang tao ng pantay-pantay pero sa katotohanan ng buhay at sa takbo ng mga pangyayari ngayon, hindi na napapanindigan ang kasabihang "lahat ng tao ay pantay-pantay".
         Ayon sa kanta ni Joey Ayala, ang mundo ay magkabilaan. Isa lamang itong pagpapatunay at pagpapaliwanag sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa mundo. Ang mundo ay sadyang hindi patas.  Ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, mali sa pananaw ng iba. Bawat isa sa atin ay may sariling opinyon sa lahat ng bagay. Kaya dapat tayo ay magiingat sa mga salitang binibitawan natin. Maaari tayong makasakit  ng damdamin ng ibang tao kung hindi natin iisipin ang mga sinasabi natin. Sinasabi ding ang mundo ay magkabilaan dahil katulad na lang sa tao, kung sino pa ang mga mayayaman at higit na nakakaangat sa buhay, sila pa itong nagmamataas. Ang mga taong may kapangyahiran, ang mga taong may kayamanan, ang mga taong nangangakong tutulong sa  kanyang sambayanan at nangakong iaangat ang kanyang bansa, nasaan sila? Bakit patuloy silang natutulog at tila walang pakealam sa kanyang nasasakupan? Kailan kaya darating ang araw na magigising sila sa realidad ng buhay? Hay, nakakalungkot isipin na sa kabila ng mga biyayang natatanggap nila ay hindi pa nila ito maibahagi sa iba.
           Ang mundo ay magkabilaan, may mayaman at may mahirap, may matalino at mayroon din namang hindi. Masuwerte ka kung napapabilang ka sa mayayamang tao sa mundo, hawak mo ang buhay mo. Magagawa mo kung ano ang hilig mo. Mabibili mo kung ano ang gusto mo ngunit ganyan na lang ba ang basehan ng pamumuhay ng tao? Wala na bang karapatan ang mga taong dukha at kulang sa buhay? Porke ba mahirap ay dapat kutyain nalang basta basta? Hindi, hindi ba't iisa lang ang lumikha sa atin? Walang karapatan ang sinuman na maliitin ang kanyang kapwa. Tayo ay pantay-pantay ito ang dapat itanim sa ating mga utak.
            Ang kantang "magkabilaan" ay isang pagpapaliwanag na ang mga bagay sa mundo ay magkasalungat. Hindi maaaring magkatulad upang maging balanse ang mundo. Iyan ang ating mundo, tanggapin natin ang katotohanan na ang mundo ay may pagkakaiba-iba. Ngunit, pakatatandaan na ang Diyos lamang ang may karapatan sa lahat. Siya ang ating tagapaglikha. Kung anuman ang mga biyayang natatanggap natin mula sa kanya ay dapat ipamahagi  at huwag na huwag ipagdadamot sa iba.        

Nakakabadtrip na Karanasan noong Pasko

         Pasko na naman, syempre lahat tayo inaasahan na maging masaya ang pagdiriwang ng pasko. Wala naman taong gustong magkaroon ng nakakainis na pangyayari. Minsan lamang sa isang taon ang okasyong ito, isinasagawa para sa pag-alala sa kaarawan ng ating dakilang lumikha.At syempre kapag pasko, uso na ulit yung mga christmas party, reunion at iba't ibang kasiyahan.
         Isang araw pagkaraan ng espesyal na okasyong iyon, may isang mensahe na dumating sa akin. "Titit-titit" ang tunog ng cellphone ko, uy may nagtext sa akin. "One message receive from Angelo", naku! si president nagtext. Si Angelo, siya ang presidente ng seksyon namin noong hayskul. Ang nilalaman ng mensahe, "guys, magkakaroon tayo ng christmas party. Inaasahan na makakapunta ang lahat. Maraming salamat". Nang matanggap ko ang mensaheng iyon, sobrang saya ko dahil sa wakas magkikita-kita ulit kami ng mga kaibigan ko noong hayskul. Ilang buwan din ang nakalipas ng huli kaming magkita-kita. Excited ako syempre. Alam kong mag-eenjoy kaming lahat at panibagong unforgettable moment nanaman yon. Makikita ko ulit si crush, sina friendship at syempre si teacher. Sobrang namiss ko sila at parang gusto ko hatakin ang araw para agad na sumapit ang araw ng christmas party namin. Nagpaalam ako sa mga magulang ko, pumayag naman sila na umattend ako sa party na yon. Dahil dun, mas lalo akong naging excited kasi syempre pinayagan na ko at siguradong sigurado na yun. Pero eto na, nang dumating na ang araw na yun muli akong nagpaalam sa kanila dahil ilang oras na lamang ay aalis na ko. Noong nagpaalam ako, ang sabi nila "Saan ka nanaman pupunta? Ang dami daming gawain dito sa bahay tapos aalis ka pa". Iyon ang sabi sa akin, "Nagpaalam na ako sa inyo noon diba? May christmas party kami ng mga classmates ko nung hayskul. Pinayagan niyo na ako nun eh", iyon naman ang sabi ko. "Hindi ka pwede umalis ngayon, madaming gawain dito", sabi ng nanay ko. Haaaay, nakakainis! Excited pa naman ako tapos hindi pala ko papayagan. Sobrang nakakabadtrip talaga dahil noong una ay pumayag na sila tapos bigla nilang babawiin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nun, nagkulong nalang ako sa kwarto ko. Hindi ko napigilang hindi umiyak dahil dun. Nahiya din ako sa mga classmates ko lalo na kay president kasi umoo na ako na makakapunta ko pero hindi pa din ako nakaatttend. Sobrang badtrip talaga. Iyon na lang nga ang pagkakataon para makita ko ulit sila tapos napost pone pa. Haaay. pero wala akong magagawa kasi hindi ako pinayagan at utos nila iyon kaya dapat kong sundin. Siguro hindi pa talaga yon ang oras para makita ko sila ulit. Nakakalungkot at nakakainis talaga. Inisip ko nalang na may next time pa naman kaya ayun, ok na din siguro yun. Masaya naman yung mga classmates ko kaya okay na din ako. Yun nga lang hindi maiiwasan na mainis dahil sa pangyayaring yon.
       Minsan talaga sa buhay ng tao hindi palagi ikaw ang masusunod. Kailangan sundin mo din yung sinasabi ng iba lalo na ng magulang mo. Haaay! Nakakainis pero tapos na eh, tanggapin nalang. Sabi nga naman nila "accept the reality" kaya ayun, tanggapin nalang at kalimutan ang mga nakakainis na pangyayari sa buhay.