Sa mundong ito, lahat ng bagay ay hindi magkakatulad. Ang mundo ay nilikha ng Diyos na may pagkakaiba-iba. Ang mga tao ay hindi magkakatulad ng antas sa buhay, pag-iisip, talino, kabaitan at kahusayan. Oo, sinasabing nilikha ng Diyos ang tao ng pantay-pantay pero sa katotohanan ng buhay at sa takbo ng mga pangyayari ngayon, hindi na napapanindigan ang kasabihang "lahat ng tao ay pantay-pantay".
Ayon sa kanta ni Joey Ayala, ang mundo ay magkabilaan. Isa lamang itong pagpapatunay at pagpapaliwanag sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa mundo. Ang mundo ay sadyang hindi patas. Ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, mali sa pananaw ng iba. Bawat isa sa atin ay may sariling opinyon sa lahat ng bagay. Kaya dapat tayo ay magiingat sa mga salitang binibitawan natin. Maaari tayong makasakit ng damdamin ng ibang tao kung hindi natin iisipin ang mga sinasabi natin. Sinasabi ding ang mundo ay magkabilaan dahil katulad na lang sa tao, kung sino pa ang mga mayayaman at higit na nakakaangat sa buhay, sila pa itong nagmamataas. Ang mga taong may kapangyahiran, ang mga taong may kayamanan, ang mga taong nangangakong tutulong sa kanyang sambayanan at nangakong iaangat ang kanyang bansa, nasaan sila? Bakit patuloy silang natutulog at tila walang pakealam sa kanyang nasasakupan? Kailan kaya darating ang araw na magigising sila sa realidad ng buhay? Hay, nakakalungkot isipin na sa kabila ng mga biyayang natatanggap nila ay hindi pa nila ito maibahagi sa iba.
Ang mundo ay magkabilaan, may mayaman at may mahirap, may matalino at mayroon din namang hindi. Masuwerte ka kung napapabilang ka sa mayayamang tao sa mundo, hawak mo ang buhay mo. Magagawa mo kung ano ang hilig mo. Mabibili mo kung ano ang gusto mo ngunit ganyan na lang ba ang basehan ng pamumuhay ng tao? Wala na bang karapatan ang mga taong dukha at kulang sa buhay? Porke ba mahirap ay dapat kutyain nalang basta basta? Hindi, hindi ba't iisa lang ang lumikha sa atin? Walang karapatan ang sinuman na maliitin ang kanyang kapwa. Tayo ay pantay-pantay ito ang dapat itanim sa ating mga utak.
Ang kantang "magkabilaan" ay isang pagpapaliwanag na ang mga bagay sa mundo ay magkasalungat. Hindi maaaring magkatulad upang maging balanse ang mundo. Iyan ang ating mundo, tanggapin natin ang katotohanan na ang mundo ay may pagkakaiba-iba. Ngunit, pakatatandaan na ang Diyos lamang ang may karapatan sa lahat. Siya ang ating tagapaglikha. Kung anuman ang mga biyayang natatanggap natin mula sa kanya ay dapat ipamahagi at huwag na huwag ipagdadamot sa iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento